Pages

Monday, September 8, 2014

Eraserheads : Ang Banda ng Masa.



   Sino ba namang teen or adult noong 90's ang hindi nakakakilala sa bandang Eraserheads? Lahat ata ng kabataan at mga mahihilig sa musika ay inidolo sina Ely, Marcus, Raimund, at Buddy. Kuhang-kuha kasi ng mga awitin nila ang damdamin ng mga pinoy. Sikat na sikat noon sa eskuwelahan ang mga kanta nila at tampok ito palagi ng mga kwentuhan. Iwan ka sa usapan kapag hindi mo pa naririnig o wala ka pang kopya ng bago nilang kanta.

   Tandang-tanda ko pa noong unang beses kong napakinggan ang kantang Pare Ko. Noon kasing 90's big deal pa sa mga kabataan yung foul language o pagmumura.  Maririning lang yung mura sa cassette version ng album hindi sa censored version na pinapatugtog sa radyo. Pinalitan kasi ng "walang hiya" yung foul word sa radyo para hindi ma-censor at maaaring patugtugin sa ere. Pero astig pa rin.

   Hindi pa uso noon ang MP3 files or CD, kaya sa cassette tape pa nakalagay ang albums ng mga
singers/bands. Hindi pa din laganap ang mga pirata. Kung gusto mo ng libreng kopya, kailangan mo pang bumili ng blanko o lumang tape para kopyahan/mapatungan ng kaibigan mong may recorder. Yung mga mati-tiyaga naman todo abang sa mga FM stations para patugtugin sa ere  yung paborito nilang kanta ng E-heads at saka nila ire-record.
 
  Masasabing isa ang banda sa mga nanguna sa pagsikat ng mga OPM bands dati. Patok na patok talaga ang OPM rock. Sa tuwing maglalakad ka sa labas may makikita kang nag-gigitara o di kaya may hawak na Songhits.  Nakakatawa pag na-alala ko yung mga kulitan o agawan ng Songhits sa classroom. Biglang uso din yung mga nag-aaral ng gitara dati at isa ako sa mga sumubok matuto. 'Yung intro ng alapaap ang paborito ko noon pag-aralan.

  Sunod-sunod yung mga hit songs at albums ng Eraserheads dati. Hindi ko na papangalanan ang mga ito kasi magmu-mukhang listahan ang artikulong ito sa dami nila. Sa lahat ng mga hit songs ng banda, masasabi kong ang Huling El Bimbo ang pinaka tumatak sa akin. Masarap pakinggan at nakaka-LSS( Last Song Syndrome) ang bridge ng kanta na "la la la la.... ".  Ni-release ang kanta noong 1995 at mainit itong tinang-kilik ng mga tagapakinig.  Ang music video din ng kantang ito ang nagpanalo sa banda ng International Viewer's Choice Awards for Asia' sa 1997 MTV Video Music Awards. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nanalo ng Moon Man trophy ang isang Filipino act.

   HIndi ko pa naintindihan sa una yung meaning ng kanta. Bata pa kasi ako noon at akala ko tungkol lang sa sikat na sayaw nung araw ang kanta. Hindi ko rin kilala kung sino si Paraluman. Pinaliwanagan lang ako ng aking Tito noon na siya daw ay isang napaka-gandang aktres ng Sampaguita Pictures noong araw. Makalipas ang ilang taon at ng aking pagbibinata, doon ko naintindihan kung gaano kaganda pala ang istorya na nilalarawan ng awiting iyon.  Tungkol pala ito sa first love.ng narrator. Isang pag-ibig na nabuo mula sa pagsa-sayaw nila ng El Bimbo at kung paanong nawalan na ng pagkakataon na masuklian pa ng kanyang minamahal ang pag-ibig na kanyang nararamdaman.  Mahusay na nailarawan ng awitin ang mga damdamin na nararamdan ng isang umiibig at madali nitong napukaw ang puso ng mga tagapakinig. Lalo akong humanga sa kakayahan sa pagsulat ng banda dahil dito.

   Nabuwag man ang banda noong 2002, maririnig pa rin ang tunog ng Eraserheads bilang impluwensiya sa mga bandang aktibo ngayon. Marami pa rin ang sumusuporta sa mga reunion concerts at mga events ng banda. Kamakailan lang ay naglabas ng dalawang bagong awitin ang Eraserheads (ang mga kantang "1995" at  "Sabado" ) sa tulong ng Esquire Philippines matapos ang mahigit isang dekada. 
  
   Hindi maikakaila ang napakalaking kontribusyon nina Ely, Raimund, Buddy, at Marcus sa OPM.
Tadhana lang ang makapagsa-sabi kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ang nakati-tiyak lamang, ay ang katotohanan na hindi malilimutan ang kanilang mga awiting nagpasaya at nagpahanga sa mga Plipino.. Mabuhay ang banda ng masa.





By Mang Jose (masarapmagingpinoy.blogspot.com)