Pages

Monday, September 8, 2014

Eraserheads : Ang Banda ng Masa.



   Sino ba namang teen or adult noong 90's ang hindi nakakakilala sa bandang Eraserheads? Lahat ata ng kabataan at mga mahihilig sa musika ay inidolo sina Ely, Marcus, Raimund, at Buddy. Kuhang-kuha kasi ng mga awitin nila ang damdamin ng mga pinoy. Sikat na sikat noon sa eskuwelahan ang mga kanta nila at tampok ito palagi ng mga kwentuhan. Iwan ka sa usapan kapag hindi mo pa naririnig o wala ka pang kopya ng bago nilang kanta.

   Tandang-tanda ko pa noong unang beses kong napakinggan ang kantang Pare Ko. Noon kasing 90's big deal pa sa mga kabataan yung foul language o pagmumura.  Maririning lang yung mura sa cassette version ng album hindi sa censored version na pinapatugtog sa radyo. Pinalitan kasi ng "walang hiya" yung foul word sa radyo para hindi ma-censor at maaaring patugtugin sa ere. Pero astig pa rin.

   Hindi pa uso noon ang MP3 files or CD, kaya sa cassette tape pa nakalagay ang albums ng mga
singers/bands. Hindi pa din laganap ang mga pirata. Kung gusto mo ng libreng kopya, kailangan mo pang bumili ng blanko o lumang tape para kopyahan/mapatungan ng kaibigan mong may recorder. Yung mga mati-tiyaga naman todo abang sa mga FM stations para patugtugin sa ere  yung paborito nilang kanta ng E-heads at saka nila ire-record.
 
  Masasabing isa ang banda sa mga nanguna sa pagsikat ng mga OPM bands dati. Patok na patok talaga ang OPM rock. Sa tuwing maglalakad ka sa labas may makikita kang nag-gigitara o di kaya may hawak na Songhits.  Nakakatawa pag na-alala ko yung mga kulitan o agawan ng Songhits sa classroom. Biglang uso din yung mga nag-aaral ng gitara dati at isa ako sa mga sumubok matuto. 'Yung intro ng alapaap ang paborito ko noon pag-aralan.

  Sunod-sunod yung mga hit songs at albums ng Eraserheads dati. Hindi ko na papangalanan ang mga ito kasi magmu-mukhang listahan ang artikulong ito sa dami nila. Sa lahat ng mga hit songs ng banda, masasabi kong ang Huling El Bimbo ang pinaka tumatak sa akin. Masarap pakinggan at nakaka-LSS( Last Song Syndrome) ang bridge ng kanta na "la la la la.... ".  Ni-release ang kanta noong 1995 at mainit itong tinang-kilik ng mga tagapakinig.  Ang music video din ng kantang ito ang nagpanalo sa banda ng International Viewer's Choice Awards for Asia' sa 1997 MTV Video Music Awards. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nanalo ng Moon Man trophy ang isang Filipino act.

   HIndi ko pa naintindihan sa una yung meaning ng kanta. Bata pa kasi ako noon at akala ko tungkol lang sa sikat na sayaw nung araw ang kanta. Hindi ko rin kilala kung sino si Paraluman. Pinaliwanagan lang ako ng aking Tito noon na siya daw ay isang napaka-gandang aktres ng Sampaguita Pictures noong araw. Makalipas ang ilang taon at ng aking pagbibinata, doon ko naintindihan kung gaano kaganda pala ang istorya na nilalarawan ng awiting iyon.  Tungkol pala ito sa first love.ng narrator. Isang pag-ibig na nabuo mula sa pagsa-sayaw nila ng El Bimbo at kung paanong nawalan na ng pagkakataon na masuklian pa ng kanyang minamahal ang pag-ibig na kanyang nararamdaman.  Mahusay na nailarawan ng awitin ang mga damdamin na nararamdan ng isang umiibig at madali nitong napukaw ang puso ng mga tagapakinig. Lalo akong humanga sa kakayahan sa pagsulat ng banda dahil dito.

   Nabuwag man ang banda noong 2002, maririnig pa rin ang tunog ng Eraserheads bilang impluwensiya sa mga bandang aktibo ngayon. Marami pa rin ang sumusuporta sa mga reunion concerts at mga events ng banda. Kamakailan lang ay naglabas ng dalawang bagong awitin ang Eraserheads (ang mga kantang "1995" at  "Sabado" ) sa tulong ng Esquire Philippines matapos ang mahigit isang dekada. 
  
   Hindi maikakaila ang napakalaking kontribusyon nina Ely, Raimund, Buddy, at Marcus sa OPM.
Tadhana lang ang makapagsa-sabi kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ang nakati-tiyak lamang, ay ang katotohanan na hindi malilimutan ang kanilang mga awiting nagpasaya at nagpahanga sa mga Plipino.. Mabuhay ang banda ng masa.





By Mang Jose (masarapmagingpinoy.blogspot.com)





Monday, September 1, 2014

Sa wakas nakapag-pakitang GILAS din ang Pilipinas sa larangan ng basketball.

photo by Fiba.com

   Sino ba namang Filipino ang hindi maantig sa puso at laban na ipinakita ng ating mga manlalaro sa unang dalawang laro nila sa FIBA World Cup na ginaganap sa Spain?
Sa bawat rebound, dribble, pasa, at shoot na binibitiwan nina Blatche, Castro, Pingris, Norwood, Jeff Chan atbp., makapigil hininga ang suspense na nararamdaman nating mga Pinoy. Kahanga-hanga din ang supporta na ipinapakita ng ating mga kababayang OFW na nagbibigay ng lakas at supporta sa mga players sa  pamamagitan ng pag cheer mula sa stands.

    Hindi man nagwagi ang koponan naipakita naman nila sa buong mundo ang husay at tapang ng Pinoy. laban talaga kung laban ang mga players kahit lamang na lamang ang mga banyaga pagdating sa height na isa sa mga mahahalagang aspeto ng larong Basketball. Kahit sa paliga sa baranggay kitang-kita ang kalamangan ng mga matatangkad pagdating sa sport na ito. 

    Sa pamamagitan ng bilis, tiwala sa isa't-isa,  at mabuting paghahanda ng coaching staff, nagagawa ng Gilas na makipagsabayan sa mga higher ranking teams sa FIBA. 34th lamang ang Pilipinas  sa  FIBA ranking habang ang Croatia ay 16th at ang Greece ay isa sa pinakamalakas na team sa buong mundo na nasa ika limang pwesto (5th). Napakalaking bagay na nagawa ng GILAS na panatilihing dikit ang score at ang hindi matambakan ng husto.  Kahit sino siguro na may kaalaman sa larong basketball ay hindi maikakaila na may laban ang manlalaro natin sa mga dayuhan. Susunod na makakalaban ng Gilas ang pamosong koponan ng Argentina na no.3 sa buong mundo at kilala sa pagtalo sa mga NBA players ng Team USA noong 2004 at pagkapanalo ng Gold sa Olympics.

    Hindi matatawaran ang sakripisyo at paghihirap ng mga player para sa bayan.  Bagamat pagod na ang karamihan ng mga players galing sa mahabang season ng PBA ay todo banat parin sila pagdating sa hardcourt. Pambihira din ang dedikasyon at puso na ipinapakita ng naturalized player na si Andray Blatche. Kahit injured ay pinili nyang maglaro sa court dahil sa paghanga nya sa kanyang mga kakampi na bagamat mas maliliit ay lumalaban ng sabayan sa malalaking Europeans. Kung may duda pa sa pagkakasali ni Blatche sa Gilas ay napatunayan na ng malaking mama na hindi nagkamali ang Pilipinas sa pagtanggap sa kanya bilang Filipino.

Kapuri-puri din ang ipinakitang galing ni coach Chot Reyes sa  ppagdala sa team sa puntong ito ng kasaysayan ng Basketball sa Pilipinas. Saludo ang marami sa husay at dedikasyon ni coach chot at ng kanyang staff. Gayun din sa mga pamunuan ng kopononan.

Masarap makita na nagbunga ang programa na kanilang sinimulan para sa bayan. Ang sarap isigaw ang mga salitang "Laban Pilipinas! Puso!" habang nanunood ng mga laban. Ang sarap maging Pinoy.



By: Mang Jose (masarapmagingpinoy.blogspot.com)